DAGUPAN CITY- Nagsagawa ng kauna-unahang Health Education and Promotion Officers (HEPO) Summit ang Department of Health Ilocos Center for Health Development sa Thunderbirds Hotel sa syudad ng San Fernando, sa La Union.
Ayon kay Dr. Paula Paz Sydiongco, Regional Director ng Department of Health, layunin ng naturang programa na kilalanin ang dedikasyon ng HEPO at magbigay ng pagkakataon para sa pagtutulungan at pagpapalakas ng mga programa sa kalusugan.
Aniya, isa itong mahalagang hakbang upang mapahusay ang mga pagsisikap sa pagpapalaganap ng kalusugan at kaligtasan sa komunidad.
Pinarangalan naman ang iba’t ibang lokal na pamahalaan, paaralan, at ospital sa buong rehiyon para sa kanilang natatanging kontribusyon sa pagpapabuti ng kaluugan ng kanilang mga komunidad.
Para naman sa paggawad ng HEPO award sa kategoryang LGU, itinanghal bilang pinakamahusay sa Health Promotion sa kanilang probisnya ang LGU Banna sa Ilocos Norte. Kasama rin sa pinarangalan ang LGU Bantay ng Ilocos Sur, LGU Agno ng Pangasinan, at LGU Bacnotan ng La Union.
Habang ang kategorya naman para sa Best Hospital for Health Promotion Practice, pinarangalan naman ang ospital na nagpakita ng mahusay na serbisyo at malasakit sa pagpapalaganap ng kalusugan. Kabilang dito ang Metro Vigan Hospital ng Ilocos Sur, Caba District Hospital ng La Union, Karmelli Clinic Hospital Inc. ng Ilocos Norte, at Ilocos Sur District Hospital sa Tagudin.
Hindi rin nagpahuli ang mga paaralan na may natatanging kontribusyon sa pagpapalaganap ng kalusugan, kabilang na ang Las Ud Elementary School, Anda National High School, at Sagpatan Elementary School bilang Health School Category. Bilang bahagi ng pagkilala, mag-uuwi sila ng Php 200,000 bilang suporta sa kanilang mga proyekto sa kalusugan
Samantala, bilang pagsisikap, ang HEPO summit ay may layuning magbigay ng pagkakataon sa mga HEPOs na magbahagi ng kanilang mga karanasan at magtulungan upang mapabuti ang kanilang mga programa sa kalusugan. Tinututukan nito ang pagpapalaganap ng kaalaman at mga hakbang upang mapanatili ang kalusugan ng bawat isa sa komunidad.
Dagdag pa ni Sydiongco, Ang Hepo summit ay isang hakbang upang palakasin ang pananagutan at komitment sa kalusugan ng buong komunidad sa rehiyon uno.