Dagupan City – Inilunsad ngayong araw dito sa lungsod ng Dagupan ang kauna-unahang Girl Child Week kasabay sa pagdiriwang ng 2026 National Womens Month.
Ang tema ng Women’s Month celebration ngayong 2026 ay “Lead like the Babaylans Filipinas,” kung saan binibigyang-kapangyarihan ang bawat kabataang babae na maging lider ng kanilang sarili at ng kanilang komunidad.
Nakiisa ang halos 5 libong indibidwal kabilang ang ilang kabataang babae at mga guro mula sa iba’t ibang pribado at pampublikong eskwelahan ng Elementary at High School sa lungsod.
Sinimulan ang kaganapan sa isinagawang Tindig Kababaihan Walk of Recognition na ginanap sa New De Venicia Highway na nilahukan ng mahigit 2000 indibidwal kasama na ang ilang pulisya ng Dagupan City Police Office, LGU employees at iba pa.
Ipinaliwanag ni Mayor Belen Fernandez ang kahalagahan ng isinagawang recognition walk na nakatuon sa pagpapahayag ng suporta at proteksyon sa kababaihan at kabataan.
Ayon sa kanya, ang event ay bahagi ng kanilang mga hakbang upang mapanatili ang awareness at maprotektahan ang mga bata, lalo na ang mga babae, laban sa pang-aabuso.
Bukod dito, maraming libreng serbisyo ang ihinandog tulad ng health check-up, dental services, libreng gupit, at hygiene promotion upang mapanatili ang kalusugan at wellness ng mga kabataan, lalo na ang mga walang mga dokumento tulad ng birth certificate.
Ipinaliwanag din ni Mayor Fernandez na bukas ay may programa muli sila na para sa mga kababaihan na dadaluhan ng mga solo parents, maarong ina at lahat ng kababaihan sa lungsod.
May mga serbisyo din dito gaya ng libreng mammogram, pagpapaakyat ng kaalaman sa gardening, at iba pang health-related services.
Sa pangkalahatan, ipinagmalaki niya na ang ganitong klase ng event ay magpapalakas sa pakikiisa ng komunidad, pati na rin ang pagpapakita na ang gobyerno ay tunay na nakikinig at nagsusulong ng karapatan at kaligtasan ng mga kababaihan at kabataan.
Ang nasabing selebrasyon ay magiging regular na parte ng kanilang mga adyenda taun-taon upang tuluyang mapalawak ang awareness at proteksyon ng mga kababaihan at batang babae sa Dagupan.
Sa kabilang banda, binanggit naman no Konsi Tala Paras na maraming mga aktibidad na gaganapin ngayong araw na nakatuon sa pagpapaunlad sa kaalaman at kamalayan ng mga kabataang babae.
Aniya na malaki ang partisipasyon ng Teen Center at Women’s Center sa kaganapan dahil sa aktibong pagtatrabaho upang isaalang-alang ang kapakanan ng mga kabataan.
Bukod pa sa iba’t ibang aktibidad, inilunsad din dito ang “BFF” o Build for the Future na maaaring magparehistro ang mga kabataan upang maging prayoridad sa mga serbisyo ng siyudad.
Samantala, Hindi rin umano nagpahuli ang “Tres Marites,” ang tatlong konsehal ng siyudad, na magbabahagi ng kanilang kaalaman sa iba’t ibang paksa.
Si Konsi Paras ay magbibigay ng lecture tungkol sa “generational gap on relationship labels and the Gen Z Lingo 101,” habang si Doktora Jaja ay tatalakayin ang “personal hygiene and normalizing bodily changes,” at si konsi Danee Canto naman ay magbabahagi ng kaalaman tungkol sa nutrisyon.
Binigyang-diin ni Konsi Tala Paras na nakapaglunsad na rin sila sa buong Dagupan ng Oplan Bida (Oplan Batang Iwas sa Dahas at Abuso) kung saan nalibot ang mga paaralan upang turuan ang mga kabataan tungkol sa safe and unsafe touches.
Sa huli, ipinaalala nito ang kahalagahan ng pagiging malaya mula sa gender bias at hinimok ang lahat na huwag hayaang limitahan ng gender ang kanilang mga pangarap.
Hinikayat din niya ang publiko na gamitin ang mga helpline ng siyudad, tulad ng Makabata Helpline, Anti-Bullying Helpline, at Anti-Suicide Helpline, na bukas 24 oras upang magbigay ng suporta at tulong sa mga nangangailangan.










