Patuloy na magdadala ng pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa ang mga kaulapan ng Bagyong Luis, kahit unti-unti nang lumalayo ang sistema sa kalupaan.
Ipinaliwanag ni Weather Forecaster Gener Quitlong na naiiwan ang sentro ng Bagyong Luis habang nauuna naman ang mga kaulapan nito, dahilan upang makaranas ng malalakas na pag-ulan ang ilang lugar, kabilang ang lalawigan ng Pangasinan.
Ayon kay Quitlong, malakas ang upper-level winds na nakaaapekto sa bagyo kaya nahihirapan itong lumakas at nananatili lamang bilang tropical depression.
Inaasahang unti-unting mahihila ang Bagyong Luis ng Bagyong Dophin na kasalukuyang nasa labas pa ng Philippine Area of Responsibility o PAR. Dahil dito, hindi na inaasahang tatawid sa Northern Luzon ang Bagyong Luis.
Tinatayang patuloy itong lalayo sa bansa hanggang sa tuluyang humina at maging low pressure area.
Samantala, ipinaliwanag ni Quitlong na habang tropical depression ang isang bagyo, Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ang pinakamataas na maaaring itaas. Maaari lamang umabot sa Signal No. 2 kung lalakas ito at magiging tropical storm.




