Muling pinayagan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang pagkuha at pagbebenta ng tahong sa mga baybaying-dagat ng Bolinao at Bani matapos magnegatibo ang mga katubigan nito sa red tide toxin batay sa pinakabagong monitoring ng ahensya.

Ayon kay Sancho Bilog Officer in Charge, Fisheries Integrated Laboratory Section ng BFAR Region I magandang balita ito lalo na sa mga mangingisdang matagal ding naapektuhan ng naturang marine phenomenon.

Matatandaang matagal-tagal ding nanatili ang red tide sa lugar dahil sa matinding init ng panahon na siyang nagpapabilis sa pagdami ng red tide organisms.

--Ads--

Ngunit sa pagdating ng mga ulan kamakailan, bumaba ang lebel ng toxin sa katubigan at unti-unting nawala ang red tide, bagamat hindi pa ito tuluyang nawawala.

Ipinaliwanag din niya na ang red tide ay isang natural na pangyayari na dulot ng pagdami ng mga microscopic organisms na karaniwang namumuo kapag mataas ang nutrients sa tubig at mainit ang temperatura.

Kung saan aniya kapag malinis ang katubigan at mataas ang nutrients ay mas mabilis ang ‘pag-bloom’ ng mga organismong ito.

Dagdag pa niya na mahalagang obserbahan ang good aquaculture practices upang maiwasan ang muling pagsiklab ng red tide, kabilang na ang hindi pag-overstock ng mga lamang-dagat sa mga fish pens at regular na monitoring ng tubig.

Samantala, bilang suporta sa mga pamilyang naapektuhan ng red tide, nakapag-distribute na rin ang lokal na pamahalaan ng food packs sa mga nangangailangan.

Anila may listahan ng mga benepisyaryo na isinumite sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang masiguro ang maayos na pamamahagi ng ayuda.

Paalala naman nito na manatiling updated sa mga ulat tungkol sa red tide upang maiwasan ang panganib sa kalusugan.

Hinihimok din niya ang publiko na makinig sa mga abiso ng BFAR at LGU kaugnay ng red tide status ng rehiyon.