Hindi dapat mawala sa isipan ng publiko ang tunay na layunin ng paglalantad ng anomalya sa flood control projects ito ay ang dapat may makulong at mabawi ang perang ninakaw.
Yan ang iginiit ni Atty. Michael Henry Yusingco Constitutional Law Expert hinggil sa naging pagdinig kaugnay sa flood control anomalies.
Subalit aniya hindi kayang tuparin ng Senate Blue Ribbon Committee ang gawaing ito dahil imbestigasyon lamang ang mandato nito at hindi paglilitis.
Ani Yusingco dapat malinaw sa publiko kung ano ang tunay na proseso ng paghahatid ng katarungan.
Mahalaga ang paglalabas ng impormasyon sa mga pagdinig kabilang ang mga pangalang umano’y tumanggap ng kickback at ang pinagmulan ng mga transaksyong ito ngunit paalala niya na ang lahat ng ito ay impormasyon pa lamang at hindi awtomatikong magiging basehan ng parusa.
Ngunit ang Blue Ribbon Committee ay bahagi ng Senado, sila ay mga mambabatas hindi sila korte, at hindi sila manlilitis.
Ang mga impormasyong lumalabas dito ay kailangang maisumite muna sa Ombudsman upang maging ebidensiya sa paghahain ng kaso.
At doon lamang maaaring makamit ang tunay na pananagutan.
Pinuna naman ni Yusingco ang tila kabagalan ng proseso at ang impresyon na mistulang paglilitis ang nagaganap sa Senado kahit hindi naman ito ang kanilang mandate.
Aniya, kung tunay na pananagutan ang hangad, kailangan mailipat ang mga ebidensiya sa mga ahensiyang may kapangyarihang maghabla at magpataw ng parusa.
Dagdag niya, malinaw sa Konstitusyon na ang lahat ng proseso sa pamahalaan ay dapat transparent at nasasaksihan ng publiko lalo na kung ang isyu ay umiikot sa pera ng taumbayan.
Sa huli, nanawagan ito sa publiko na manatiling nakatutok sa isyu at huwag kalimutan ang pangunahing layunin: tiyaking mapanagot ang mga nagkasala at mabawi ang pera ng bayan.










