Pormal nang inihain ng Office of the Ombudsman ang kasong plunder sa Sandiganbayan laban kay dating House Speaker Martin Romualdez, dating Ako Bicol Representative Zaldy Co, at iba pa kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control kickback scheme, ayon sa kumpirmasyon ng Sandiganbayan Judicial Records Division.

Dahil sa panibagong legal na hakbang na ito, nanawagan ang kampo ni Romualdez ng patas na pagtrato upang mabigyan sila ng sapat na pagkakataong sagutin ang anumang panibagong alegasyon na ibinabato laban sa kaniya.

Iginiit ni Atty. Ade Fajardo, legal counsel at tagapagsalita ng dating speaker, na nararapat silang abisuhan sana ng Ombudsman kung may opisyal na pahayag si dating DPWH Sec. Manuel Bonoan laban kay Romualdez habang nasa preliminary investigation stage pa lamang ang kaso.

--Ads--

Hiniling din ng kaniyang legal na koponan na makita ang mga pahayag ng 28 bagong testigo ng Ombudsman upang pormal na makapagsumite ang mambabatas ng kaniyang kaukulang tugon at kontra-affidavit.

Nagsimula ang pagkakasangkot ni Romualdez sa kontrobersya noong Setyembre 2025 nang pangalanan siya ng ilang contractor at dating security personnel sa mga serye ng pagdinig sa Senado.

Ilang beses nang matinding itinanggi ng mambabatas ang mga ibinintang na kickback at iginiit na wala siyang anumang kinalaman sa pagpapalabas ng pondo o sa pagpapatupad ng mga proyekto ng DPWH.

Muling binigyang-diin ng legal na koponan ni Romualdez na walang matibay at mapagkakatiwalaang testigo ang direktang nag-uugnay sa kaniya sa naturang anomalya sa mga proyekto ng flood control.