Nakahanda ang patung-patong na kasong nakatakdang kaharapin ng driver ng truck na umararo sa grupo ng isang motorcycle rider na nagsasagawa ng Visita Iglesia sa Paniqui, Tarlac.
Ito ang kinumpirma sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan kay Police Lt/Col. Napoleon Pablo Duque, Chief of Police ng Paniqui PNP, matapos ang malagim na trahedya. Aniya, sa ngayon ay wala pang usapan sa pagitan ng dalawang panig hinggil sa mga tulong sa biktima bagamat sa ngayon ay handa na ang isasampang kaso laban sa mga driver ng truck.
Sasampahan ng kasong multiple homicide, multiple physical injuries at multiple damage to property ang suspek na si Andres Bobis.
Una rito, patungo na sanang bayan ng Manaoag, Pangasinan ang isang grupo ng rider na mula sa nasimulang Visita Iglesia sa bayan ng Macabebe, Pampanga subalit hindi na ito natuloy pa matapos na araruhin sila sa bahagi palamang ng sa MacArthur Highway sa Brgy. San Isidro sa bayan ng Paniqui, Tarlac, ng isang wing van truck na minamaneho ng suspek.
Nagresulta ito sa agarang pagkamatay ng apat na biktimang kinilalang sina Marlou Mendoza, Ronnel Hernandez, Annabelle Santos at ang isa pang ang angkas na 16 anyos na biktima. Bukod pa sa apat, nasugatan din ang iba pang biktima na sina Loverich Dela Cruz, Analizabeth Hipolito, Ernard Fresnido, at Raquel Buama.
Samantala, inihayag pa ni Duque, na aminadong nakaidlip ang driver ng truck na nagresulta sa insidente. Aniya, makikita sa kuha ng dashcam video mula sa lider ng mga rider na diretso at maayos ang kanilang pagtahak sa daan subalit bigla nalamang silang sinalubong ng isang truck.