BOMBO RADYO DAGUPAN — Iginiit ng isang political analyst na kinakailangan munang masiyasat ang mga salik na nagtuturo kay dating Pang. Rodrigo Duterte na liable sa krimeng obstruction of justice.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Prof. Mark Anthony Baliton, isang Political Analyst, sinabi nito na kinakailangan ng mas masusing imbestigasyon dahil maaaring nanunutil lamang ang dating Pangulo.

Aniya na maaaring hindi talaga nito alam kung nasaan si Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy at ninanais lamang ito na “pagdudahan” siya ng publiko.

--Ads--

Gayunpaman, nilinaw nito na maaari pa rin na magsagawa ang pamahalaan ng imbestigasyon laban sa dating pangulo dahil sa ginagawa nitong paglalaro sa batas, mayroon man o walang katotohanan ang sinasabi nito.

Saad nito na sa oras man na muling baguhin ni dating Pang. Duterte ang kanyang pahayag sa kaalaman nito kung saan nagtatago si Quiboloy ay maaari rin na magsampa ng kaukulang kaso ang kapulisan ng bansa.

Samantala, masasabi naman nito na isang malaking bagay ang paglalabas ng pabuya sa sinumang makakapagturo sa kinaroroonan ni Quiboloy.

Ani Baliton na pagdating kasi sa usapin sa pera ay marami ang nalalason ang utak at nagiging questionable ang loyalty ng isang indibidwal sa ibang tao.

Pinasinungalingan naman nito ang alegasyon ng isa sa mga abogado ng pastor na kwestiyonable rin ang pagtataas ng pabuya hanggang sa P10-milyon, bagkus ito aniya ay matagal nang ginagawa ng mga awtoridad lalo na pagdating sa paghahanap ng mga indibidwal na nagtatago sa batas.

Kaugnay nito, mawawala lamang aniya ang duda ng publiko kung kusang susuko sa batas si Quiboloy sa gitna ng pagturing dito bilang fugitive. Ngunit kung patuloy din aniya ito na magtatago ay lalo rin namang magdududa ang mga Pilipino kung may kasalanan nga ba ito o wala.

Gayon din aniya ang mangyayari sa mga kasamahan ng pastor kung kusang susuko ang mga ito, kung saan ay maaari naman silang umupo bilang state witnesses.

Kung sakali man, ani Baliton, na hindi uubra ang pagbibigay ng milyun-milyong pabuya, naniniwala naman ito na ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng kanilang makakaya para mapanagot sa batas si Quiboloy.