Inaasahang magtutuloy sa trial proper ang pagdinig ng International Criminal Court kaugnay sa kaso ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Joseph Emmanuel Cera, isang constitutional law expert, sinabi nitong malakas ang mga detalyeng at ebidensyang inilatag ng prosecution lawyers, kabilang ang mga insidente ng pagpatay na may kaugnayan sa war on drugs.

Ayon kay Cera, malinaw umanong ipinakita ng prosekusyon na tila naging bahagi ng polisiya ng pamahalaan noon ang pagpatay sa mga hinihinalang sangkot sa ilegal na droga, lalo na sa mga mahihirap.

--Ads--

Matatandaang kabilang sa mga iprinisinta ng panel sa unang araw ng confirmation hearing ang mga video ng dating pangulo kung saan umano’y inaamin niya ang pagpatay, gayundin ang ilang kontrobersyal na kautusan sa kasagsagan ng kampanya kontra droga.

Inisa-isa rin ng mga prosecutor ang mga “specific details” ng mga kasong iniaakusa kay Duterte, kasama ang mga video clips ng kanyang mga naging pahayag.

Dagdag pa ni Cera, layunin ng mga ebidensyang ito na kumbinsihin ang mga hukom ng ICC na may sapat na batayan upang umusad ang kaso patungo sa trial proper.

Samantala, inilatag din ng depensa ang kanilang mga kontra-argumento at ebidensya, ngunit ayon sa abogado, maituturing umanong mahina ang mga ito.