Tumaas ng higit sa 160% ang kaso ng measles o tigdas sa buong Rehiyon Uno ngayong taong 2022.
Ayon kay Dr Rheuel Bobis ang siyang Medical Officer IV ng Department of Health Region 1 na sa pinakahuling datos ay nasa 138 na ang reported na kaso ng tigdas na malayo sa kanilang tala noong nakaraang taon na aabot lamang sa 63.
Aniya sa naturang bilang nangunguna ang lalawigan ng Pangasinan na mayroong 50 kaso habang 11 naman ay naitala sa lungsod ng Dagupan.
Sumunod naman dito ang probinsya ng La union na may 42 kaso habang 16 naman sa Ilocos Sur at 19 naman sa Ilocos Norte.
Nakikitang dahilan aniya sa pagtaas ng kaso ng naturang sakit ay dahil sa tuluyang pagluluwag ng mga restriksyon kabilang na ang pagtatanggal ng face mask.
Isa rin aniya ang mababang bakunahan kung kaya’t patuloy ang pagtala ng kaso ng naturang sakit.
Kabilang aniya sa mga sintomas ng tigdas ay lagnat, o pamumula ng mata, ubo, sipon at mapupulang pantal o rashes.
Babala nito na ang sakit na tigdas ay maaaring mauwi sa komplikasyon o kamatayan sa oras na hindi ito agad na mabigyan ng medikal na atensyon.
Kaya naman paalala nito sa mga magulang na kung nakitaan na ng sintomas ang kanilang anak ay agad ng magpakonsulta sa doktor.
Samantala nakabantay na rin aniya sila sa posibilidad na pagtaas ng influenza ngayong buwan ng Disyembre.