Umabot na sa tatlo ang naitalang kaso ng online threat sa ilang paaralan sa ibat ibang bahagi ng Pangasinan ngayong buwan ng Hulyo ayon sa Pangasinan Police Provincial Office.

Habang dalawa pang magkahiwalay na insidente ang kasalukuyang sumasailalim sa beripikasyon ng kapulisan.

Ayon kay PCapt. Aileen Catugas, Public Information Officer ng Pangasinan PPO, na ang mga kasong ito ay natukoy sa Rosales, Lingayen at Sto Tomas habang sa Manaoag at Villasis ay patuloy pang inaalam kung may aktuwal na banta at kung may paglabag sa batas.

--Ads--

Saad ni Catugas na kabilang sa mga naresolbang insidente ang kumalat na video sa social media noong Hulyo 18 na naglalaman umano ng banta laban sa isang paaralan sa bayan ng Rosales.

Sa pamamagitan ng agarang pagresponde ng Pangasinan PPO at Rosales Police Station, mabilis na natukoy ang isang menor de edad na pinaniniwalaang sangkot sa naturang online threat.

Agad din itong isinailalim sa imbestigasyon upang maiwasan ang anumang posibleng panganib sa publiko habang naging mabilis ang pagkilala sa suspek dahil sa masusing verification ng kapulisan at sa impormasyong ibinigay ng mga testigo.

Isinagawa rin ang pagsusuri sa mga nakalap na ebidensya gaya ng baseball bat at pellet gun upang matukoy ang lawak ng pananagutan at mga posibleng paglabag sa batas.

Dahil menor de edad ang sangkot, ipinatutupad ng pulisya ang mga probisyon ng Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, na inamyendahan ng Republic Act No. 10630.

Matapos ang inisyal na proseso, itinurn-over ang bata sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), habang nagpapatuloy ang case assessment at koordinasyon sa piskalya.

Bukod sa insidente sa Rosales na may nahuling menor de edad, nakapag-aresto muli sila ng isa pang menor de edad na suspek sa online bomb threat sa isang kampus sa Lingayen habang iniimbestigahan pa ng kapulisan ang isa pang online bomb threat sa bayan ng Sto Tomas.

Dahil dito, muling nanawagan ang Pangasinan PPO sa mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak sa responsableng paggamit ng internet at social media.

Hinikayat din ang publiko na agad iulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya o tumawag sa 911 ang anumang kahina-hinalang mensahe o online threat.

Patuloy naman umano ang pagpapalakas ng Pangasinan PPO sa cyber-monitoring at cyber-patrolling, gayundin ang pakikipag-ugnayan sa mga paaralan, lokal na pamahalaan, social welfare offices at iba pang partner agencies upang mapigilan ang paglaganap ng online threats at mapanatili ang kaligtasan ng publiko.