Umuusad na ang kaso laban kay Joshua Layacan, ang itinuturong lider ng JRL Investment scam, habang nasa kustodiya pa siya ng Malasiqui Police Station at patuloy na inihahanda ang mga kinakailangang dokumento para sa pagsasampa ng pormal na reklamo sa tanggapan ng piskalya.
Ayon kay PLt. Col. Francisco Sawadan Jr., hepe ng Malasiqui PNP, nakatuon sa ngayon ang pulisya sa pagbuo ng matibay na kaso laban sa suspek.
Aniya, ang magiging desisyon kung irerekomenda ang pansamantalang pagkakakulong ni Layacan sa bilibid o sa detention facility ng pulisya ay nakasalalay pa sa magiging pagsusuri at rekomendasyon ng prosecutor habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Ipinaliwanag niya na bukas sila sa pagtanggap ng karagdagang reklamo mula sa mga biktima ng umano’y investment scam.
Gayunman, nilinaw na hindi maaaring basta-basta kausapin ang suspek nang walang payo o presensiya ng kanyang abogado, bilang pagtalima at pagrespeto sa kanyang mga karapatang legal.
Kasabay nito, hinihikayat ng pulisya ang suspek na makipagtulungan, lalo na sa isyu ng mga perang umano’y hindi naibalik sa mga investor.
Layunin umano ng mga awtoridad na mabigyan ng linaw ang mga reklamo at matukoy kung may posibilidad pang mabawi ang bahagi ng perang nawala sa mga nag-invest.
Nagbigay rin ng paalala ang Malasiqui PNP sa mga investor ng JRL Investment na kung naniniwala silang sila ay naloko, may karapatan silang magsampa ng hiwalay o karagdagang reklamo.
Tiniyak ng pulisya na handa silang tumulong sa pagproseso ng mga salaysay at ebidensiya ng mga biktima.
Samantala, nilinaw ni PLt. Col. Zaldy Fuentes, hepe ng San Carlos City PNP na bagama’t residente ng San Carlos City si Layacan, walang naging direktang koordinasyon sa pagitan ng kanilang himpilan at Malasiqui PNP sa aktwal na pag-aresto.
Ipinaliwanag niyang ang electronic warrant of arrest ay maaaring ma-access at ipatupad ng alinmang istasyon ng pulisya sa bansa.
Ayon pa sa kanya, nagsagawa rin sila ng mga hakbang upang maaresto ang suspek, subalit naging mailap umano ito sa mga naunang pagkakataon.
Sa huli, pinili ni Layacan na sumuko sa Malasiqui kung saan naisilbi ang warrant laban sa kanya.
Ipinaliwanag din ng pulisya na matapos maisilbi ang warrant, ito ay ibinabalik sa korte at ang hukom ang magpapasya kung saan idedetina ang akusado habang dinidinig ang kaso.
Sa kasalukuyan, si Layacan pa lamang ang nasa kustodiya ng mga awtoridad mula sa walong indibidwal na nakapaloob sa warrant of arrest na may kaugnayan sa JRL Investment scam.
Patuloy naman ang pagtugis ng pulisya sa pito pang iba na nananatiling at large, kasabay ng patuloy na paghimok sa iba pang biktima na lumutang at magsampa ng reklamo.










