Patuloy ang paalala ng mga health officials sa Region 1 kasunod ng ulat ng Department of Health – Center for Health Development na umabot na sa dalawampu’t isang katao ang nasawi dahil sa leptospirosis ngayong taon.
Ang leptospirosis ay isang bacterial infection na karaniwang nakukuha sa kontaminadong tubig, lalo na tuwing tag-ulan.
Pumapasok ito sa katawan sa pamamagitan ng balat na may sugat o sa mucous membranes tulad ng mata, ilong, at bibig.
Batay sa tala ng DOH-CHD, karamihan sa kanila ang nalantad sa baha o sa maruming tubig, lalo na sa mga lugar na may problema sa drainage o walang maayos na sanitasyon.
Nananawagan ang mga awtoridad sa publiko na umiwas sa paglusong sa baha, lalo na kung may sugat sa katawan. Pinapayuhan ding magsuot ng proteksyon tulad ng bota at guwantes kapag kailangang lumusong sa tubig.
Patuloy ding ipinapaalala ng DOH ang kahalagahan ng maagap na pagpapatingin sa doktor kapag nakaranas ng sintomas gaya ng lagnat, pananakit ng katawan, at paninilaw ng mata o balat.
Nakaalerto na rin ang mga ospital sa rehiyon upang agad na matugunan ang mga posibleng kaso habang patuloy ang monitoring sa mga lugar na mataas ang insidente ng sakit.