Dagupan City – Bumaba ng 9.8 porsiyento ang bilang ng mga kaso ng leptospirosis sa Region 1 ngayong taon, ayon sa Center for Health Development (CHD) Region 1.

Ayon kay Dr. Rheuel Bobis, Medical Officer IV ng CHD Region 1, nakapagtala ang rehiyon ng 46 kaso ng leptospirosis mula Enero hanggang Mayo 23, 2026.

Aniya, ang mga naitatalang kaso ng sakit ay hindi lamang nauugnay sa paglusong sa tubig-baha kundi maging sa mga gawaing pang-agrikultura.

--Ads--

Aniya, may mga pagkakataong nahahawa ang isang tao kahit hindi ito lumusong sa baha dahil maaari ring magkaroon ng exposure sa bakterya sa mga bukirin at iba pang lugar na kontaminado ng ihi ng mga daga at iba pang hayop.

Kabilang sa mga karaniwang sintomas nito ang lagnat, pananakit ng ulo, pananakit ng kalamnan lalo na sa binti at likod, pamumula ng mata, panginginig, pagduduwal, pananakit ng tiyan, at matinding panghihina.

Dahil dito, pinayuhan ni Bobis ang publiko na iwasan ang paglusong sa tubig-baha at iba pang maruruming tubig kung hindi naman kinakailangan.

Kung hindi naman maiiwasan aniya ang pagdaan sa mga ito, mahalagang magsuot ng sapat na proteksyon tulad ng bota at iba pang pananggalang upang mabawasan ang panganib ng pagkahawa.

Patuloy namang nananawagan si Bobis sa mga residente na agad magpakonsulta sa pinakamalapit na health facility kapag nakaranas ng sintomas ng leptospirosis upang maiwasan ang paglala ng kondisyon.