Nakapagtala ang Department of Health (DOH) Region I ng mas mataas na kaso ng leptospirosis at dengue sa buong rehiyon ngayong taon.
Ayon kay Dr. Rheuel Bobis, Medical Officer IV ng DOH Regional Office batay sa pinakahuling surveillance report, mula Enero 1 hanggang Hulyo 26, 2025, umabot na sa 133 ang kaso ng leptospirosis sa Region 1 mas mataas kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Aniya, karaniwang tumataas ang mga kaso ng leptospirosis tuwing panahon ng tag-ulan at mayroong malawakang pagbaha.
Sa kasalukuyan, 18 ang naiulat na nasawi dahil sa leptospirosis at pinakamaraming naapektuhan ay mga kalalakihan na nasa edad 25 hanggang 29.
Dagdag pa niya na may 25 bagong kaso na naitala kamakailan, at paalala niyang umaabot ng dalawang linggo ang incubation period ng sakit kaya mahalaga ang maagap na aksyon.
Samantala, umakyat din ang bilang ng mga kaso ng dengue sa rehiyon.
Mula Enero 1 hanggang Hulyo 26, umabot na ito sa 5,285 na kaso, kumpara sa 3,167 lamang sa parehong panahon noong 2024.
Sa nakaraang linggo, naitala ang 711 na bagong kaso.
Bagama’t mas mataas ang bilang, nilinaw ni Dr. Bobis na hindi pa ito dahilan upang lubos na mangamba, kundi patuloy lamang ang pagsasagawa ng mga hakbang upang maiwasan ang pagkamatay dulot ng sakit.
Payo naman nito sa publiko na kung ang isang indibidwal ay naexpoed sa baha o maruming tubig at nakararanas ng sintomas tulad ng lagnat, pananakit ng katawan, o paninilaw ng balat at mata, agad na magtungo sa pinakamalapit na ospital para sa pagsusuri at agarang gamutan.
Bukod dito ay patuloy din ang kanilang panawagan sa publiko na maging alerto, makiisa sa mga clean-up drives, at ugaliing maging mapagmatyag lalo na sa panahon ng tag-ulan.