Wala pang naitatalang kaso ng kumakalat na mga text spam o umano’y mga text messages na naglalaman ng mga alok na trabaho sa Pangasinan.
Ito ang pagtitiyak ni Rizaldy Jaymalin ang siyang Director ng National Bureau of Investigation sa lalawigan.
Aniya wala pang nangyayaring pormal na pagsisiyasat sa ganitong uri ng panloloko pero kasama na sa kanilang mandato ang maimbestigahan ang iba’t ibang uri ng panloloko gamit ang internet o cybercrime.
Batid din ng kanilang tanggapan na nagiging talamak na ang mga text spams kaya’t hinikayat nito ang mga residente na kung sila ay nakakatanggap ng mga ganitong mensahe ay huwag ng mag-atubiling dumulog sa kanilang tanggapan.
Pagsasaad nito na dadaan naman sa mabusising pag-aaral ang bawat kasong maihahain sa kanilang tanggapan.
Aniya rin kung komplikado ang magiging kaso ay idadaan ito sa computer crimes division ng NBI sa kanilang pangunahing himpilan.
Dagdag nito na malaki ang naging gampanin ng pandemya dahil sa marami ang naghirap dulot nito na nagresulta sa pagdoble ng mga fraud cases.
Samantala sinabi naman nito na karamihan sa kanilang naitatalang kaso ngayon ay cyberlibel at estafa cases na ginagamitan ng internet.
Inamin naman nito na talagang mahirap tukuyin ang mga suspek na nagsasagawa ng estafa at libel dahil sa umanoy paggamit nila ng ibang katauhan o ibang facebook account.
Sa ngayon ay wala naman umanong tinutukan na grupo na sangkot sa naturang modus.
Paalala naman nito na sa publiko na huwag nang pansinin kung nakakatanggap ng ganitong mga mensahe.