Nakapagtala ang lalawigan ng Pangasinan ng aabot sa 51 kaso ng firecracker-related injuries matapos ang naging pagsalubong ng bagong taon
Ayon kay PMaj. Ria Tacderan ang siyang Information Officer ng Pangasinan PNP na bagaman mga minor injuries lamang ito ay kanilang ikinalungkot na sa kabila ng kanilang mga paalala tangkilikin na lamang ang mga pampaingay na mga kagamitan sa pagsalubong ng naturang pagdiriwang ay nakapagdatos pa rin sila ng mataas na bilang nito mula noong Disyembre 24 hanggang Enero 2.
Sa naturang bilang anim dito ay biktima ng boga kung saan dalawa dito ay mula sa bayan ng Manaoag at Mangatarem habang ang tig-isa naman dito ay residente ng mga bayan ng Alaminos at Burgos.
Dagdag pa nito walo naman ay nasugatan dahil sa whistle bomb.
Habang pito naman ay idinulot ng paputok na triangle kung saan apat rito ay mula sa lungsod ng Dagupan.
Dalawamput tatlo naman sa mga nabiktima ng paputok ay dahil sa kwitis habang ang ilan pang mga naitalang kaso ay resulta ng paggamit ng lusis, bawang at fountain.
Samantala aabot naman sa 1,945 na ilegal na mga paputok ang nasabat ng kanilang hanay kung saan mayroon itong halaga na siyam na libong piso.
Kaugnay naman nito ay isinaad ng naturang opisyal na aasahang sisirain ang lahat ng mga kumpiskadong ilegal na mga paputok.
Siniguro rin ni Tacderan na mahigpit pa rin ang pagbabantay na kanilang isinasagawa sa lalawigan kasunod na rin ito ng pagkatala ng isang indiscriminate firing kagabi.
Samantala malaki naman ang pasasalamat nito dahil sa kabuuan ay nanatiling payapa ang Pangasinan sa naging pagsalubong ng bagong taon kung saan ay wala rin umanong naidatos na naging biktima ng ligaw na bala.