Umabot na sa 47 mga kaso ng election gun ban violations ang naitala ng Police Regional Office 1 simula noong Enero 12 hanggang sa unang linggo ng Marso.
Ayon kay Pltcol. Benigno C. Sumawang, ang hepe ng Regional Public Information Office na 1 dito ay mula sa Comelec Checkpoint, 27 sa mga police response, 15 sa anti-illegal drugs, 2 sa gun buy bust at 2 naman sa iba pang law enforcement operation.
Aniya na sa bilang na ito 44 dito ang may nakumpiskang baril habang nasa 45 naman ang mga naarestong indibidwal.
Saad pa ni Pltcol. Sumawang na mas marami parin ang datos nila dito sa Pangasinan kumpara sa 3 lalawigan dito sa rehiyon.
Dagdag nito na wala pa naman aniya silang nae-encounter na mga nanlaban o pumalag sa mga isinasagawa nilang checkpoint dahil sumusunod naman ang komunidad sa kanilang ipinapatupad sa kakalsadahan.
Kaugnay nito na nagpapatuloy din ang kanilang pagtutok sa mga loose firearms o mga unregistered at expired kung saan sa bawat araw ay mayroon silang naitatala dahil sa kanilang pagsasagawa parin ng revitalized oplan katok at police visitation sa mga indibidwal na nasa kanilang listahan upang maisurrender at maideposit sa kanila gayundin ang safekeeping sa bawat Provincial Office.
Samantala, ibinahagi naman nito na nagkaroon na ng unang kaso ng Election related incident dito sa Rehiyon na nangyari sa lalawigan ng Ilocos Sur partikular na sa lungsod ng Vigan.
Kinasangkutan ito ng isang incumbent Sangguniang Bayan Member o konsehal na tumatakbo din sa kaparehong posisyon sa bayan ng Caoayan sa parehong lalawigan
Kumakain aniya ang biktima sa isang karinderya sa nasabing lungsod nang pagbabarilin ng riding in tandem na sakay ng motorsiklo kung saan natamaan ang kanyang ulo na nagsanhi ng kanyang kamatayan.
Dahil sa pangyayaring ito, patuloy na pinapaigting ng kapulisan ang kanilang pagtutok sa mga lugar na nasa Areas of Concern maging ang seguridad ng bawat kandidato ngayong halalan.
Nananatili aniya na nasa 13 ang naideklarang areas of concern sa rehiyon kung saan 8 parin sa Pangasinan, 3 sa La Union, 1 sa Ilocos Sur at 1 sa Ilocos Norte.
Panawagan naman nito sa mga tumatakbo ngayong eleksyon na dapat mapanatiling malinis ang halalan at sumunod sa mga ibat-ibang alituntuning pinapatupad ng kanilang hanay.
Gagawin aniya nila ang kanilang mandato upang maging mapayapa ang eleksyon at pagkatapos ng halalan dahil 24/7 ang kanilang pagtutok dito.