Dagupan City – Naitala ng Pangasinan Provincial Heath Office ang bahagyang pagtaas ng Kaso ng Dengue sa lalawigan dahil sa nararanasang sama ng panahon.
Ayon kay Dr. Ma. Vivian V. Espino, Officer in Charge ng PHO, pumalo na sa 3,691 ang kaso ng dengue sa lalawigan mula Enero hanggang Agosto 11.
Mas mataas ito ng 17% kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Sa kabila nito, ang fatality rate ay nananatiling mababa sa .6% dahil sa mabilisang pagtukoy sa sakit. 23 katao na ang nasawi dahil sa dengue.
Ang limang bayan na may pinakamataas na kaso ng dengue ay ang Rosales (347), Umingan (236), San Manuel (194), Mangatarem (177), at Asingan (167).
Dahil dito, mahigpit na minomonitor ng PHO ang mga bayang may mataas na kaso at nakikipag-ugnayan sa mga alkalde upang magpatupad ng mga preventive measure kung saan mayroon na ring binuong Dengue Team sa tulong ng PHO na responsible sa pagtugon sa ganitong problema.
Dagdag pa ni Dr. Espino, napapangasiwaan naman ng maayos ang mga naitatalang kaso at hindi ito masyadong mataas dahil sa kanilang pagiging vigilante sa sakit na dengue, na maituturing na perennial problem kaya tuloy-tuloy rin ang kanilang health education sa mga tao upang maiwasan ang sakit.
Karamihan sa mga apektado ng dengue ay nasa edad 10-14, at mas maraming babae ang tinatamaan. Ang pinakabatang biktima ay 1 taong gulang, habang ang pinakamatanda ay 90 taong gulang.
Hindi lahat ng tinatamaan ng dengue ay agad na kinakailangang ma-confine. Binabantayan muna ang pasyente, binibigyan ng fluid, inoobserbahan, at sumasailalim sa diagnostic test para malaman ang kanilang status. Minsan, umaabot ng tatlong araw ang pagbabantay sa kalagayan ng pasyente, at pinapauwi muna sila at pinapabalik para sa iba pang pagsusuri.
Ang binabantayan sa dengue ay ang pagbaba ng platelet count at pagtaas ng hemoglobin ng pasyente dahil kapag nakita ang mga sintomas na ito at wala nang lagnat, maaaring i-admit ang pasyente, ngunit depende pa rin sa katawan ng pasyente kaya’t tinututukan nila ang bawat kaso.
Nagpaalala si Dr. Espino sa publiko na tumutok sa mga programa ng lalawigan para sa kalusugan at ugaliing panatilihing malinis ang kapaligiran upang hindi pamugaran ng mga lamok.
Ugaliing suriin ang mga posibleng pangitlugan nito at isagawa ang 4T sa mga may naiipong tubig gaya ng Taob, Taktak, Tuyo, at Takip.
Agad na magpakonsulta sa health center kung nakakaranas ng mga sintomas tulad ng lagnat, pananakit ng ulo, pananakit sa likod ng mata, pananakit ng kasukasuan at kalamnan, pagduduwal at pagsusuka, pantal, at pagdurugo o hemorrhage .