Inihayag ng Municipal Health Office ng San Fabian na nagkaroon ng pagtaas ng kaso ng dengue sa kanilang bayan ngayong taon.
Batay sa kanilang datos, umabot na sa 119 ang naitalang kaso ng dengue mula Enero hanggang kasalukuyan, mas mataas kumpara sa nakaraang taon.
Ayon kay Dr. Jose Quiros Jr., Medical Officer ng Municipal Health Office, nakapagtala sila ng 18 kaso noong Hunyo, 44 noong Hulyo, at 10 pa lamang ngayong Agosto kung saan ito ay mga buwan na may nakakaranas mataas na tyansa ng ulan.
Bagamat walang naitalang nasawi dahil sa dengue, mayroon umanong pasyenteng positibo sa dengue na namatay, ngunit ang sanhi ng kamatayan ay sakit sa puso.
Sa kabilang banda, nananatiling walang kaso ng leptospirosis sa San Fabian, kahit pa isa ito sa mga bayang madalas bahain.
Ipinaliwanag ni Dr. Quiros na mas naging maalam na ang mga residente sa pag-iwas sa leptospirosis, tulad ng hindi paglusong sa baha kung may sugat at pagsusuot ng bota.
Marami pa rin ang nagpapakonsulta sa Municipal Health Office dahil sa mga sakit sa respiratory gaya ng ubo at sipon lalo na ang mga bata na karaniwan tuwing tag-ulan.
Samantala , patuloy naman ang kanilang pagbibigay ng gamot at pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa pag-iwas sa mga sakit na maaaring makuha sa kasalukuyang panahon.
Pinapayuhan ang publiko na agad magpakonsulta sa Municipal Health Office kung nakararanas ng anumang sintomas ng mga sakit na laganap ngayon.