Kasalukuyang tinututukan ngayon ng Dagupan City Health Office ang mga kaso ng dengue at leptospirosis na posibleng tumama sa lungsod ngayong panahon ng tag ulan.
Ayon kay City Health Officer Dr. Ophelia Rivera, bagama’t hindi karamihan ang mga nabiktima nito ay patuloy parin ang kanilang isinasagawang pag-momonitor. Sa katunayan pa nga ayon sa opisyal, mula buwan ng Enero hanggang Mayo nakapagtala lamang sila ng 44 na kaso ng dengue mas mababa umano kumpara sa bilang na naitala nila noong nakaraang taon.
Bagama’t nakakapagtala pa rin hanggang sa ngayon ng pailan ilang bilang, nilinaw ni Rivera na ang mga kaso ng dengue at leptospirosis sa syudad ay hindi maituturing na ‘alarming’.
Giit nito, napapanatili pa kasi umano sa ngayon ng publiko ang mga epektibong programa laban sa mga nabanggit na sakit.
Samantala, hinimok naman ng opisyal ang mga mamamayan ng Dagupan na panatilihin ang malinis ang paligid, tanggalin ang lahat na posibleng breeding sites ng lamok na nagpapasa ng sakit dahil ito aniya ang pinakamainam na depensa laban sa dengue.