DAGUPAN CITY- Unang araw pa lamang ng pagbubukas ng pasukan ay naitala na ng Mangaldan National High School ang unang kaso ng bullying sa paaralan.
Ayon kay Eduardo Castillo ang School Principal ng nasabing paaralan, nagsimula ang insidente nang asarin ng biktima ang kapwa niya mag-aaral na may kapansanan sa paningin.
Labis naman itong dinamdam ng nasabing estudyante, dahilan upang magsumbong ito sa isang kaibigan na kalauna’y nanuntok sa biktima.
Agad na naireport ang pangyayari sa opisina ng paaralan, at dinala sa guidance counseling ang biktima para sa agarang suporta.
Samantala, napagdesisyunan ng mga magulang ng nanuntok na ilipat ito sa ibang paaralan upang makaiwas sa mas malalang tensyon sa loob ng campus.
Nilinaw naman ng paaralan na hindi tumigil sa pag aaral ang biktima at nasa maayos na kalagayan na ngayon habang nagpapatuloy sa pagpasok sa eskwela.
Tiniyak din ng principal na mahigpit nilang binabantayan ang mga kaso ng bullying sa loob ng paaralan at nananatiling namang ligtas at mapayapa ang kapaligiran para sa lahat ng mga mag-aaral.