DAGUPAN CITY- Isang paalala ang translacion sa tumitinding paniniwala ng mga deboto sa Hesus Nazareno (dating tinatawag na Itim na Nazareno).
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Eufemio Agbayani III, Historical Sites Researcher ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), ang prosusyon ng Hesus ng Nazareno na buhat-buhat ang krus ay paalala sa mga deboto na may Diyos na nakakaunawa sa paghihirap at kasama sa buhay.
Aniya, may paniniwalang dumating ang imahe sa Pilipinas 400 taon na ang nakalilipas.
Gayunpaman, walang dokumentong nagsasabing nagsimula ang pagsasagawa ng prosisyon, maliban na lamang sa pagtatag ng Cofradia de Jesus Nazareno noong April 20, 1650.
Taon 2006 naman nang magsimula ang translacion bilang paggunita sa pagdating ng mga rekoleto kasama ang Hesus Nazareno at naulit lamang noong 2009.
Pinabulaanan naman ni Agbayani ang mga haka-hakang nasunog ito kaya nangitim ang imahe sapagkat itim na kahoy lamang ang ginamit sa paggawa nito.
Maliban pa riyan, nagsasaliksik pa ang mga eksperto na tukuyin kung ang imahe na nasa Quiapo o sa Intramuros na nasira noong giyerang pandaigdig ang orihinal.
Samatala, ang self-identification ng mga deboto sa imahe ay nakakaapekto sa kultura ng mga Pilipino sa relihiyon.
Ani Agbayani, naihahalintulad ng mga Pilipino ang kanilang paghihirap sa pagpasan ng Hesus Nazareno sa krus.
Dahilan ito para dumami pa ang mga naniniwala sa Hesus Nazareno.
Ikinatuwa naman ni Agbayani ang pagkalat pa ng nagbabagong paniniwala ng mga deboto sa tuwing translacion.










