DAGUPAN CITY- Nagkakaroon na ng pagbabago sa paniniwala ng bansa hinggil sa pagpapakasal sa buwan ng Hunyo, bilang nakasanayan at kilalang buwan ng pagpapakasal.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Prof. Nestor Castro, Anthropologist ng University of the Philippine, nagsimula ito sa bansa matapos dalhin ng mga Amerikano subalit, nagkaroon ito ng karagdagan sa mga Pilipino.
Kabilang na rito ang pag-iimbita sa buong kamag-anak dahil sa nagkataong buwan din ito ng pag-aani.
Gayunpaman, sa paglipas din ng panahon ay nagkakaroon na rin ng pagbabago sa nakasanayan.
Aniya, karamihan man ng mga Pilipino ay gustong maikasal, subalit, nagkakaroon ng pagkakaudlot dahil sa edad at kalagayang pinansyal.
Nakakaapekto rin ang lagay ng panahon at nagkakaubusang reserbasyon sa lugar ng paggaganap ng kasal.
Samantala, sinabi pa ni Castro na hindi na matibay ngayon ang relasyon ng mga ikinakasal at nauuwi sa paghihiwalayan.
Bagaman walang divorce sa bansa, mayroon naman annulment ngunit, magastos ito.
Dahil dito, pinipili na lamang ng mga walang kakayanan na maghiwalay na lamang at nagkakaroon na ng ibang partner.
Hindi man ito legal, tinatawag pa rin nilang asawa ang bagong kinakasama.