Dagupan City – Hindi pa rin suspendido ang karapatan ni dating Negros Oriental Representative Arnolfo Teves Jr. sa kabila ng pag-aresto sa kaniya ng mga otoridad ng Timor-Leste.
Ito ang isa sa ibinahagi ni Atty. Joseph Emmanuel Cera, Constitutional Lawyer sa kabila ng hinaharap nitong kaso na murder, frustrated murder at attempted murder dahil sa sya ang itinuturong mastermind sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo noong Marso 4, 2023 at bukod sa pamamaril kay Degamo ay kinasuhan din ito sa pagpatay sa tatlong indibidwal sa Negros Oriental noong 2019.
Ayon kay Cera, sa katunayan ay may karapatan pa rin si Teves na maghain ng motion for bail kung ang mga ipinapakitang ebidensya laban sa kaniya ay mahina, na siyang dahilan upang tanggapin ito ng prosecution saka naman hahantong sa paghahain ng Trial/Demurrer to Evidence.
Ngunit sa kasalukuyan, nakatakda munang dalhin si Teves sa bansang Pilipinas partikular na sa lugar kung saan inihain ang kaso nito matapos ilabas ang ulat ng Department of Justice (DOJ) na inaresto siya ng mga otoridad ng Timor-Leste.
Magugunita na noong Agosto 2023 ay idineklara siya kasama ang 11 iba pa bilang terorista dahil sa kinasangkutang patayan at harassments sa Negros Oriental. Sinibak din siya ng House of Representatives dahil sa disorderly conduct at ang mahabang pagliban kahit na expired na ang kaniyang travel authority.
Samantala, nauna nang binigyang diin ni Cera na ang paglipad ni Teves sa Timor-Leste ay maituturing ng fugitive kahit na hindi ito mukhang nagtatago sa Timor-Leste dahil sapat na ang aksyon nito na isang hakbang bilang pagtatago sa kaso laban sa kaniya.