DAGUPAN CITY- Isinisigaw ngayon ng mga magsasaka mula Central Luzon at iba pang lugar sa bansa ang paglaban sa mga nararanasang panunupil na umaabot sa pananakit at pananakot, partikular sa Hacienda Luisita.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Eco Dangla, Bagong Alyansang Makabayan Central Luzon, ilan sa mga dinadaing ng mga magsasaka ay ang land use convertion at pagpapalayas sa kanila sa mga sinasakahang lupain, dulot na rin ng mga may kapangyarihan.

Bagaman matagal na dapat ipinamahagi sa mga magsasaka ang Hacienda Luisita subalit, patuloy silang pinapalayas at nabibiktima ng redtagging bilang di umano’y mga rebelde.

--Ads--

Marami pang mga lupain, tulad sa bahagi ng Zambales, ang patuloy ipinagdadamot sa mga magsasaka.

Aniya, karagdagan pa ito sa mga lumalawak na kurapsyon sa sektor ng agrikultura habang patuloy ang kanilang pagkalugi dahil sa mababang presyo ng mga palay at pagtaas naman sa bigas at mga farm inputs.

Patuloy pa sa kanilang ipinaglalaban ay ang pagbabasura ng Rice Tarrification Law upang masuportahan ang presyo ng palay at bigas.

Panawagan din nila ang pagprotekta sa Rice Granary sa Gitnang Luzon laban sa mga programang nagpapaliit sa mga sakahan at banta sa food security ng bansa.