DAGUPAN CITY- Dapat na pagtibayin ang pagkilala sa karapatan at sa mismong mga miyembro ng LGBTQIA+ dahil malaki ang magiging tulong nito sa kanikang kumunidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Tyra Maxion, isang miyembro ng LGBTQIA+ mula sa Quezon City, ibinahagi niya ang kahalagahan ng pagiging bahagi ng komunidad bilang simbolo ng katatagan at pagkilala sa tunay na pagkatao.
Ayon kay Maxion, ang pagiging miyembro ng LGBTQIA+ ay hindi lamang pagkilala sa sarili kundi pagpapakita rin ng pagiging inclusive ng isang lipunan.
Dagdag pa niya, mahalaga rin ang papel ng mga “ally” o mga sumusuporta sa komunidad sa pagpapalakas ng kanilang adhikain.
Isa sa mga patunay ng lumalawak na suporta ay ang Pride March na isinagawa sa Quezon City, kung saan tinatayang halos tatlong libong katao ang nakiisa.
Aniya, labis nilang ikinatuwa ang mainit na pagtanggap at partisipasyon ng publiko sa naturang aktibidad.
Hindi dito nagtatapos ang mga aktibidad, dahil marami pang mga gawain ang nakatakdang isagawa ng kanilang komunidad bilang bahagi ng pagdiriwang ng Pride Month.
Nanawagan din si Maxion sa pamahalaan na dapat nang ipasa ang SOGIE bill, sapagkat aniya, makikinabang dito hindi lamang ang LGBTQIA+ kundi ang bawat mamamayan.