DAGUPAN CITY — Patuloy ang panawagan ng Alliance of Health Workers kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magtalaga ito ng karapat-dapat na Secretary of Health.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Robert Mendoza, Presidente ng nasabing grupo, binigyang-diin nito na mariing nilang tututulan kung si Officer-in-Charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang maitatalaga bilang bagong kalihim, sapagkat batid ng kanilang grupo na marami itong tinakpang mga katotohanan patungkol kay dating Health Secretary Francisco Duque III nang ito pa ay naninilbihan sa ilalim ng gabinete ng dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Aniya na ang nararapat na italaga ng Punong Ehekutibo ay isang opisyal na pro-health worker at maka-masa at naniniwala silang hindi magagampanan ni Vergeire ang papel na ito.
Dagdag pa ni Mendoza na wala pa ring pagbabago ang takbo ng panunungkulan ni Vergeire sa naturang ahensya simula nang umupo ito sa ilalim ng nakaraang administrasyon sapagkat hanggang sa kasalukuyan ay mabagal at hindi pa rin maganda ang proseso ng pamimigay ng mga nararapat na benepisyo sa mga halth workers ng bansa.
Saad pa ni Mendoza na wala silang nakikitang sense of urgency sa pamumuno ng nasabing kalihim dahil sa kabila ng mga sakripisyo ng mga health workers ay hindi pa rin kinikilala ang kabayanihan nila.
Maliban pa rito ay hindi rin nila nakikitaan ng paggawa at pagkilos ang mga kinauukulan patungkol naman sa mga pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagpapatayo ng mg specialty hospitals sa iba’t ibang mga rehiyon na taliwas naman sa tuloy-tuloy na budget cut ng pondong nakalaan para sa Kagawaran ng Kalusugan at humahadlang sa ahensya sa pagpa-prayoridad nito sa mga usapin gaya ng understaffing, contractualization, mababang sahod at iba pa.
Kaugnay nito ay ikinalungkot at ikinababahala din nila ang pagsabi ng Punong Ehekutibo na saka na lamang ito magtatalaga ng Secretary of Health sa oras na ma-normalize na ang kalagayan ng COVID-19 pandemic.
Ani Mendoza na kung pag-uusapan na ang kalusugan ay mayroon na dapat naitalagang Kalihim ng ahensya sapagkat may limistasyon at hindi sasapat na pamumunuan lamang ito ng isang officer-in-charge.
Mas maganda aniya kung mayroon nang maitatalagang kalihim ng Kagawaran ng Kalusugan upang malaman na rin kung ano nga ba ang dapat na mga baguhin at iprayoridad sa pamamalakad, pangangasiwa, at gayon na rin sa mga programa ng ahensya na nakatuon sa COVID-19 response, at kapakanan hindi lamang ng mga health workers subalit gayon na rin ang sambayanang Pilipino.
Ito naman aniya ang unang pagkakataon kung saan ay napakatagal na magtalaga ng gobyerno ng panibagong Secretary of Health.