Nagpalabas ng abiso ang alkalde ng bayan ng Manaoag dito sa lalawigan ng Pangasinan kaugnay sa mga kumakalat na impormasyon tungkol sa terorismo sa Northern Luzon.

Ayon kay Manaoag Mayor Kim Amador, wala pang senyales ng terorismo sa kanilang bayan maliban sa mga kumakalat sa social media.

Nagsanib pwersa ang Peace and Order Council kabilang na ang PNP, Bureau of Fire at Armed Forces if the Philippines-Camp Tito Abat para sa tuloy-tuloy na pagtatalaga ng mas mahigpit na seguridad at pagmamanman sa kanilang bayan lalo na sa Minor Basilica of Our Lady of Manaoag.

--Ads--

Patunay dito ang karagdagang tatlong pangkat ng mga tauhan ng PNP Provincial at Regional Office at mula sa hanay ng AFP. Nakakalat aniya ang mga alagad ng batas sa iba’t-ibang panig ng simbahan at ng kanilang bayan upang mabantayan ang mga mamamayan at bisita.

Pinapayuhan naman ng alkalde ang kanilang mga nasasakupan na maging mapagmatiyag at agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang mga kahina-hinalang tao o bagay at hindi pangkaraniwang gawain.