DAGUPAN CITY- Malaking tulong para sa transport sector ang karagdagang piso sa pamasahe lalo na at tumataas ang presyo ng langis.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Marlyn Dela Cruz, Presidente ng BUSINA , maaaring tila maliit lamang ang piso, ngunit malaki ang maitutulong nito sa pang-araw-araw na operasyon ng mga driver at operator.
Aniya, hindi biro ang epekto ng sunod-sunod na pagtaas ng gasolina.
Maliit man aniya sa mata ng ilan ang piso, ngunit para sa aming nasa transport sector, ito’y mahalagang dagdag kita para maipagpatuloy ang pamamasada.
Bukod sa dagdag-pasahe, hinihiling din ng kanilang grupo na ilabas na ang fuel subsidy para matulungan ang mga tsuper at operator na nahihirapan sa kasalukuyang krisis sa ekonomiya.
Giit niya, dapat ding matuto ang mga driver na sumunod sa mga batas-trapiko, upang mapabuti ang serbisyo at maiwasan ang aksidente sa kalsada.
Humingi rin si Dela Cruz ng pag-unawa mula sa mga pasahero hinggil sa hinihiling na dagdag-piso.
Aniya, kung hindi ito maipatutupad, maraming driver ang mapipilitang huminto sa pamamasada dahil sa luging kita.
Patuloy din ang panawagan ng grupo sa mga kinauukulan na dinggin ang kanilang hinaing at bigyan ng agarang aksyon ang mga panukalang makatutulong sa sektor ng transportasyon.