DAGUPAN CITY- Naghatid ng agam-agam para sa ibang mga transport group ang pagbibigay muli ng ekstensyon ng consolidation para sa mga unconsolidated.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Marlyn Dela Cruz, Presidente ng grupong BUSINA, bagaman buong nagtitiwala sila sa desisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), hindi pa rin umano mawala para sa kanila na taliwas sa kanilang paniniwala ang mga pinagbibigyan, lalo na pagdating sa gobyerno.

Aniya, masakit lamang sa kanilang panig na hindi nagkaroon ng konsultasyon ang LTFRB sa mga transport groups bago nila ito ipatupad.

--Ads--

Giit niya na para bang binabalewala na lamang sila dahil patuloy ang kanilang pagsunod subalit mas pinapakinggan ang mga pasaway.

At kung patuloy umanong pagbibigyan ang mga tumututol ay maaari itong makaaapekto sa implementasyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) sa hinaharap.

Kaugnay nito, gusto na rin ng kanilang grupo na itigil na ang consolidation dahil walong taon na ito simula nang ipatupad.

Hindi rin sinang-ayunan ni Dela Cruz ang kahilingan ni Mar Valbuena, head ng grupong MANIBELA, na gawin itong boluntaryo dahil aniya, hindi nito mapapausad ang programa.

Para kay Dela Cruz, mas matitiyak ang pagpapaganda ng PUVMP kung magiging prayoridad ng LTFRB ang Local Public Transport Route Plan (LPTRP).

Sobra-sobra na din ang mga sasakyan sa kalsada at makakatulong ito upang makita ang tunay na bilang ng mga ito.

At kung sumobra ang mga consolidated sa isang lugar, maaaring mailipat ang mga sobra sa mga kakaonting bilang. Gayunpaman, sa 2026 pa inaasahan na matatapos ito.

Samantala, hinihiling lamang nila Dela Cruz na mapakinggan sila ng gobyerno upang mapabuti ang kanilang hindi sapat na kinikita.

Hindi rin naman aniya sila pabor sa taas pamasahe dahil ang mga mananakay ang maaapektuhan nito.