BOMBO DAGUPAN- Kinakailangan pa ang pagkakaroon ng sapat na budget para madagdagan ang Procurement fund ng National Food Authority (NFA) at mabili ang palay ng mga magsasaka sa magandang presyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Leonardo Montemayor, Chairman ng Federation of Free Farmers, batay naman sa inilabas na proposed budget ng Department of Agriculture (DA) ay maliit lamang ang idinagdag para sa susunod na taon.
Aniya, marami na ang mga magsasaka na malulugi sa nalalapit na anihan dahil sa mababang presyo ng palay dulot din ng mga nagdaang bagyo at pag-ulan.
Mas dadami lamang ang mga ito kung hihintayin pa sa 2025 ang budget na maaaring mailaan para sa mga magsasaka.
Hinihikayat ni Montemayor ang mga kongresist na bigyan ito ng solusyon para mapataas ang kalagayan ng agrikultura at seguridad ng pagkain ng bansa.
Sa kabilang dako, nananatiling mataas aniya ang presyo ng karne ng baboy sa bansa dahil sa african swine fever (ASF).
Sa kasalukuyan, dumadami pa ang naitatalang kaso nito kaya nakakabahala ito lalo na sa mga hog raisers.
Mapapatagal pa din kase ang bakuna para sa mga baboy dahil nasa trial stage pa lamang ito. At maaaring tumagal pa ito ng isang buwan.
Subalit, kung una pa lamang na sinunod ng pamahalaan ang mga paunang pag-iingat ay walang makakapasok na African Swine fever sa bansa.
Dahil dito, wala din magawa ang mga nag-aalaga ng baboy na maibenta ang kanilang alaga kahit na may sakit ito upang maiwasan ang labis na pagkalugi.