BOMBO NEWS ANALYSIS– Nagsimula na muli ang pasukan pero kahit gaano ang hirap may hatid na saya sa ating mga guro ang pag apruba sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act No. 11997, o ang Kabalikat sa Pagtuturo Act (KAP).
Ang naturang batas ay dumaan sa mahabang proseso at ngayon ay handa nang ipatupad dahil isa nang ganap na batas.
Isang katuparan ng pangako sa mga guro dahil simula sa susunod na taon ay makakatanggap na sila ng teaching allowance na P10,000 para ipambili ng mga kagamitan,
Kung tutuusin ay hindi naman para sa sarili ang karagdagang P10,000 allowance dahil sa ibinibili rin nila ng chalk at iba pang materyales sa pagtuturo na dati-rati ay ibinabawas nila sa kanilang suweldo na kanilang pasanin sa pang-araw-araw na gastusin.
Ganyan nagsasakripisyo ang ating mga guro, hindi baleng mag-abono basta makapagturo lang sa kanilang mga estudyante.
Dahil sa karagdagang allowance na ito ng mga guro ay inaasahan nating mas magiging mabuti ang performance ng ating mga guro.
Mahirap ang pinagdaraanan ng mga guro kaya marapat lamang na ibigay sa mga ito ang nararapat na allowance.
Sila ang nagtataguyod sa ating mga anak at sila rin ang tumatayong pangalawang magulang sa oras na nasa eskwela ang bata.