BOMBO DAGUPAN- Sa pagpapatuloy ng paghahanap kay Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy, karagdagang 100 pang mga kapulisan ang ipinadala sa loob ng Kingdom of Jesus Christ compound sa Davao City upang hanapin ang puganteng pastor.

Ang 100 kapulisan na may bitbit na mga kalasag ay tutulong sa 2,000 mga kapulisan na nasa loob na ng compound.

Inirereklamo naman ng mga myembro ng KOJC ang pagpasok ng mga kapulisan ng blue box na kasing laki ng isang chest freezer sa loob ng compound nang hindi idinadaan sa X-ray scanner.

--Ads--

Hindi naman sinasabi ng mga kapulisan kung ano ang nilalaman nito. Maliban diyan, nagdala rin sila ng long-range acoustic device o LRAD, isang equipment na naglalabas ng tunog at high power para sa pakikipag komunikasyon sa malayong distansya. Ito ay karaniwang ginagamit para sa perimeter security at crowd control.

Samantala, nasa 29 na mga miyembro ng naturang simbahan ang umanong kinasuhan nang saktan ng mga ito ang nasa 60 na kapulisan habang inihahain nila ang arrest warrant para kay Quiboloy at kapwa akusado nito.

Ayon kay Police Regional Office 11 spokesman Maj. Catherine de la Rey na mahaharap ang mga ito sa obstruction of justice at direct assault.