DAGUPAN CITY- Tiniyak ni Police Regional Office 1 Regional Dir. PBGen. Dindo Reyes ang kahandaan nila, katuwang ang Local Government Units (LGUs), mga uniformed agencies, at force multipliers, para sa maayos at mapayapang paggunita ng undas sa lalawigan ng Pangasinan.

Aniya, sa darating na November 1 at 2, magdedeploy sila ng humigit-kumulang 4,000 kapulisan sa buong lalawigan.

Nagbigay direktiba na rin sila sa mga ito para sa pagpapatupad ng ‘Oplan kaluluwa’ kung saan magtatalaga sila ng mga Police Assistance Desks malapit sa mga sementeryo.

--Ads--

Nagtalaga rin sila ng Traffic Martials at Highway Patrol Group upang makipagtulungan sa Traffic Management ng bawat bayan.

Samantala, maaaring bisitahin ang kanilang social media page upang malaman ang mga kagamitang ipinagbabawal dalhin sa araw ng undas.

Kabilang na rito ang anumang patalim o baril at kagamitan pang-sugal.

Bukod pa riyan, nagpaalala rin si Reyes na tiyakin munang walang nakasaksak na appliances at nakasara ang pamamahay bago bumyahe.

Tiyakin rin na nasusunod ang BLOWBAGETS bago ibyahe ang sasakyan upang makaiwas sa anumang hindi inaasahang aksidente.