DAGUPAN CITY- Tiniyak ng kapulisan sa syudad ng Dagupan na walang pulis ang magpapaputok ng baril sa pagdiriwang ng pasko at bagong taon.
Ayon kay PLt.Col. Brendon Palisoc, Chief of Police ng Dagupan PNP, responsable at may disiplina ang mga kapulisan sa hindi paggamit ng baril sa pagsalubong ng kapaskuhan at bagong taon.
Maliban pa sa mga kapulisan, tiniyak din nila sa kanilang Oplan Katok na makumpiska ang mga baril na hindi pa naparehistro.
Kaugnay nito, linggo-linggo bumibisita ang mga kapulisan sa mga kabilang sa kanilang listahan upang kumpiskahin ang mga ito.
Aniya, kanilang hinihikayat ang mga firearms owner na i-deposite pansamantala sa kanilang opisina ang mga baril na hindi nakarehistro.
Ito ay upang maiwasan na rin na magamit ang mga naturang baril sa pagdiwang ng kapaskuhan at bagong taon.
Dagdag pa niya na marami na rin ang nagsurrender sa kanila ng mga hindi nakarehistrong baril, kabilang na rin sa kanilang mga kasamahang pulis.
Gayunpaman, sinabi ni PLtCol. Palisoc na walang naitatalang mga insidente ng ligaw na bala tuwing holiday season sa syudad ng Dagupan, lalo na noong nakaraang taon.