DAGUPAN CITY- Bigla na lamang sumulpot ang isang private jet sa Chicago Midway International Airport nang pababa sa runway ang Southwest Airlines.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Marissa Pascual, Bombo International News Correspondent in USA, mayroon umanong kautusan sa nasabing private jet na huminto muna upang bigyan daan ang malaking eroplano subalit nagpatuloy pa rin ito at pinasok ang naturang runway.
Aniya, nagsagawa na lamang ng “precautionary maneuver” ang Flight 2504 upang maiwasan ang maaaring pagbangga.
Nagbigay naman ng babala ang Federal Aviation Administration (FAA) na kanilang tatanggalin ang lisensya ng sinumang hindi susunod sa air-traffic controller.
Gayunpaman, hindi ito kinukonsidera ng naturang airport na “near collision incident” dahil sumunod naman ang airlines sa procedures kaugnay sa sitwasyon.
Sa kabilang dako, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad sa Washington, D.C hinggil sa nakaraang mid-air collision ng isang pasenger airplane at military helicopter.
Aniya, marami pang anggulo ang nakikita upang tignan kung ano nga ba ang pinakadahilan ng insidente.
Kabilang sa mga ito ay ang hindi tiyak na data mula sa mga kagamitan kaya hindi nakita ang paparating na eroplano at ang ‘miscommunication’ sa pagitan ng mga piloto at air traffic controller.