Naglabas ng pahayag ang kampo ni Sual Mayor Liseldo “Dong” Calugay at kanyang Executive Assistant na si Cheryl O. Medina tungkol sa natanggap nilang sulat hinggil sa inilabas ng Ombudsman na sila ay papatawan ng tatlong buwang suspension dahil sa kasong Simple Misconduct.

Isinagawa ito sa mismong opisina ng alkalde kasama ang ilang mga opisyal ng bayan, punong barangay at empleyado ng munisipyo bilang pagsuporta dito.

Nilinaw nila dito na walang katotohanan ang lumalabas o kumakalat na balita o ulat na nasuspinde na ang alkalde kasama ang kanyang isang empleyado.

--Ads--

Ang pahayag ay alinsunod sa labing-anim na pahinang desisyon na pirmado ni Ombudsman Samuel R. Martires noong Abril 14, 2025 na nakasaad ang naging reklamo ni Michael G. Abata na may kaugnayan sa pag-endorso ng alkalde noong Disyembre 5, 2022 sa Sangguniang bayan ng Sual sa isang aqua farm na pag-aari umano ni Medina.

Napatunayan kasi dito na kulang-kulang ang mga dokumento sa nasabing negosyo, kabilang na ang Environment Compliance Certificate (ECC), Certification of Suitability mula sa BFAR, at Fish Cage Registration sa Municipal Agriculture Office.

Dahil dito, nagpasya na ang opisina ng Ombudsman na si Mayor Calugay at ni Executive Assistant Medina na hatulan ng guilty na masususpinde sa loob ng tatlong (3) buwan without pay o walang suweldo batay sa Rule 10, Section 50 (D) ng 2017 Revised Rules on Administrative Cases in the Civil Service.

Ayon kay Atty. Victor Manuel Morales, legal counsel ni Mayor Calugay, na pagkatapos nilang matanggap ang desisyon ay agad silang naghain ng counter-affidavit sa korte suprema kasama na ang petisyon para sa pagrerebyu ng kaso, aplikasyon para sa temporary restraining order at writ of preliminary injunction.

Nakapaloob na aniya dito ang kanilang mga sagot at mga kinakailangang dokumento para sa lahat ng mga ebidensiya upang mapatunayan ang kanilang panig.

Binigyang-diin ni Atty. Morales na hindi maaaring masuspinde si Mayor Calugay dahil batay sa Comelec Resolution 11059, Section 15 of Rule 5, na nagbabawal sa suspensyon ng mga halal na opisyal mula Enero 12 hanggang Hunyo 11.

Saad pa nito na gagawin nila ang lahat para sa kaniyang kliyente dahil naniniwala itong protektado sila ng batas.

Mananatili umanong magtatrabaho sa munisipyo ang kanyang mga kliyente upang gampanan ang kanilang tungkulin sa gobyerno habang hinihintay ang resulta ng kanilang inihaing petisyon at hanggang hindi pa natatapos ang eleksyon ngayong taon.

Samantala, patuloy namang maghahanap ang kanilang legal team ng mga iba’t-ibang legal na hakbang upang masolusyunan ang kasong kinakaharap ng dalawa.