DAGUPAN CITY — Nakatakdang magharap sa Ombudsman sa darating na Hunyo 19 ang kampo ni Leon “Ilorde” Castro Jr. at ni Binmaley Vice Mayor Simplicio “Sammy” Rosario kaugnay sa inilabas na desisyon “with finality” ng Commission on Audit kaugnay sa disallowances laban sa Bise Alkalde.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Leon “Ilorde” Castro Jr., ibinahagi nito na ang kaso na isinampa ng kanilang kampo laban kay Vice Mayor Rosario, dating Officer-in-Charge Municipal Engineer Leo Fernandez, at ang Citron Builders and Supplies ay may kinalaman sa kanulang “disallowances” na P4,049,195.58 at P3,765,216 na may kabuuang halaga na P7,814,411.58.

Aniya na umaasa silang uusad ang kaso na ito para sa kanilang mga residente ng bayan ng Binmaley.

--Ads--

Maliban dito ay kanila ring ikinatutuwa ang naging desisyon ng COA kaugnay sa isinalarawan nito bilang “double charging” sa school building project sa Binmaley Central School na siya namang ugat ng isinampa nilang kaso sa Ombudsman laban sa nasabing mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng bayan.

Saad nito na kasama nito bilang mga complainant laban kina Vice Mayor Rosario at Fernandez sina dating Mayor Lorenzo Cerezo, dating Councilor Douglas delos Angeles, at Julian “Jojo” Javier.

Dagdag nito na ang pag-usad ng kaso na ito ay isang magandang pangitain at pamamaraan upang maibalik ang pera ng taumbayan sa pamamagitan ng kautusan ng COA kay Mayor Pedro Merrera III sa pamamagitan ng Municipal Accountant na pagbayarin “immediately”sa munisipyo ang dalawang opisyal at ang nasabing kompanya.

Para kay Castro, magiging malaking tulong sa mga mamamayan ng bayan ng Binmaley ang pondo na maibabalik sa kanila partikular na para sa paglulunsad ng mga mas mahahalagang proyekto at serbisyo para sa mga residente ng bayan.