Dagupan City – Umapela ang Kamanggagawa Party-list kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na panagutin ang mga Kontraktor at Pulitikong Sangkot sa Kapabayaan sa palpak na flood control projects.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, iginiit ni Rep. Eli San Fernando ng Kamanggagawa Party-list na kung seryoso talaga si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pananagot ng mga kontraktor, dapat ay sinimulan na ito sa umpisa pa lang.

Ayon kay San Fernando, una sa lahat ay dapat tinukoy na agad ng pangulo ang mga kontraktor at mga pulitikong sangkot sa mga iregularidad.

--Ads--

Bagama’t may mga kumpanyang nabanggit na umano ng Pangulo, kulang pa rin ito at wala pa ring malinaw na pananagutan.

Binanggit ni San Fernando na hanggang ngayon ay wala pang nakukuhang hustisya ang mga pamilyang paulit-ulit na naaapektuhan ng kapabayaan sa mga imprastrukturang nasisira tuwing may bagyo o kalamidad.

Aniya, kung talagang may kagustuhan ang pamahalaan na managot ang mga responsable, dapat ay may kongkretong aksyon na.

Nanawagan siya kay Pangulong Marcos na simulan na ang pagsampol sa mga dapat panagutin, upang maipakita ang tunay na determinasyon ng pamahalaan na labanan ang katiwalian at kapabayaan sa mga pampublikong proyekto.