DAGUPAN CITY – Napakahalaga sa pangkalahatang kalusugan ng isang tao ang pagkakaroon ng malusog na kalusugang pangkaisipan o mental health.
Ayon kay Dr. Rheuel Bobis Medical Officer IV, Center for Health Development DOH Region I nitong Oktubre 10 lamang ay ipinagdiwang ang World Mental Health Day layon na maitaas ang kamalayan ng bawat isa upang pangalagaan ang ating kaisipan.
Pagbabahagi niya na ilan lamang sa mga sintomas ng pagkakaroon ng ganitong kondisyon kadalasan ay hindi na nagagawa ng isang tao ang kadalasang mga gawain na kanyang ginagawa, bukod dito kadalasan ay pinipili na lamang nitong matulog at nagkukulong na lamang sa isang kwarto.
Gayundin ang ‘suicidal ideation’ kung saan ang pagsasabi na nais na nilang kitilin ang kanilang sarili dahil sa mga problema.
Saad naman ni Dr. Bobis na kapag may kaibigan o kakilala na may ganitong pinagdadaanan ay mainam na kumustahin o kausapin na lamang dahil kung minsan ay naghahanap lamang ang mga ito ng makakausap at mapaghihingian ng payo upang kahit papaano ay maibsan ang kanilang nararamdaman.
Samantala, taong kasalukuyan ay mas nagiging talamak ang mga bilang ng mga kabataan na dumaranas ng ganitong mga kalagayan kung saan ani Dr. Bobis ay dahil sa nakakaranas ang mga ito ng severe stress.
Gaya na lamang ng stress sa eskwelahan, sa kaibigan maging ang hindi gaanong magandang kondisyon sa personal na buhay gaya na lamang sa lovelife.
Dagdag din ang stress sa mga expectations ng mga magulang at ng ating lipunan.
Kaya’t mahalaga na kapag nakita ng isang magulang ang anak na balisa o may pinagdadaanan ay mainam na kausapin at pagpapanatili ng open communication upang kahit paaano ay maibsan ang nararamdaman ng anak.
Kung hindi naman kaya sa pamamagitan ng pakikipag-usap ay huwag mag atubili na pumunta sa eskperto dahil maraming kayang gawin ang isang tao upang hindi ito humantong sa kamatayan.