Pinapalakas ng Dagupan City Jail ang kanilang sistema ng pangangalaga at monitoring sa kalusugan ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL), lalo na ngayong panahon ng matinding init.
Ayon kay JO3 Jordan P. Soliman, Unit Chief Health ng Male Dorm sa nasabing piitan, mahalaga ang regular na pagsusuri ng kalusugan ng mga bilanggo upang maiwasan ang mga kondisyon tulad ng dehydration, heat exhaustion, heat stroke, hypertension, at diabetes.
Kung saan ang monitoring ay ginagawa kada umaga at tuloy-tuloy sa loob ng 24 oras ng duty nurses.
Ipinahayag ni Soliman na ang kanilang jail facility ay nakikipag-ugnayan sa City Health Office ng Dagupan, Region 1 Medical Center, at DTRC-Dagupan upang ipatupad ang mga health programs.
Kabilang dito ang TB caravan, medical at dental missions, at HIV testing.
Bukod dito, may tuloy-tuloy na suplay ng mga gamot para sa mga PDL na may sakit.
Ayon kay Soliman, karamihan sa mga nakatalang kondisyon sa PDL ay hypertension (130 PDL), asthma (34), at diabetes (19).
May mapping naman kung saan selda sila, para mabilis na ma-respondehan ang mga pangangailangan nila.
Sinabi rin ni Soliman na may nakalaang health personnel sa loob ng piitan sa lahat ng oras, at may kakayahang kumonsulta sa pamamagitan ng telemedicine kung kinakailangan.
Hinihikayat naman nito ang publiko at pamilya ng mga PDL na maging handa sa pakikipag-ugnayan sa jail health unit kung kinakailangan, at tiniyak niya na ang kalusugan ng mga bilanggo ay laging prayoridad.










