Patuloy pa rin ang isinasagawang kaliwa’t kanan na kilos protesta ng mga mamamayan sa Haiti sa kabila pa rin ng kagustuhan nilang pagbitiwin sa pwesto ang kasalukuyang Punong Ministro ng bansa na si Ariel Henry dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin nito natutugunan ang mga suliraning kinahaharap nila gaya ng matataas na presyo ng mga bilihin.


Sa naging panayam kay Bombo International News Correspondent Nene Sylvain, nakatanggap umano ang mga mamamayan ng announcement sa WhatsApp na naglalaman ng mensahe tungkol sa isasagawang kilos protesta at dapat ay manatili lamang ang iba sa loob ng kani-kanilang mga bahay upang hindi sila madamay sa gulo at bumili na rin ng mga pagkain at ilan pang mga pangunahing pangangailangan kung sakaling hindi na sila makakalabas dahil sa kaguluhan.


Nagsimula naman ang nasabing kilos protesta noong nakaraang Miyerkules, Setyembre a-7. Binigyang-diin din ni Sylvain na maraming paaralan din ang nagsara bagamat sa Oktubre pa ang nakatakdang opisyal na pagbubukas ng mga klase sa bansa sapagkat marami pang mga magulang ang hindi handa dahil sa nararanasan din nilang financial problems.

--Ads--

TINIG NI NENE SYLVAIN


Dagdag pa ni Sylvain na patuloy ang pakikinig at pagsubaybay nila sa mga balita hinggil sa isinasagawang mga kilos protesta, partikular na nga kung ligtas ba silang makakalabas ng kani-kanilang mga tirahan upang bumili ng iba’t ibang pangangailangan gaya ng pagkain at tubig.


Sinabi pa nito na sa kabila naman ng nananaig na mga kilos protesta ay pumapasok pa rin sila sa kani-kanilang mga trabaho at may mga businesses pa rin ang nagpapatuloy ng kanilang mga operasyon, sa kadahilanan na ring ayaw nilang mawalan ng hanap-buhay, partikular na ang mga OFW sa Haiti.