DAGUPAN CITY- Hindi na nawawala ang taunang adbokasiya ng Ecowaste Coalition na Cemetiquette o Cemetery Etiquette tuwing ginugunita ang undas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jove Benosa, Program Manager at Senior Zero Waste ng nasabing grupo, ito ay ang kanilang pagpapaalala sa publiko sa mga responsibilidad sa kani-kanilang kalat at gawing litter-free ang pagbisita sa sementeryo.

Aniya, iwasan ang pagtatapon ng mga pinaglinisan na mga kalat sa bakanteng lote at ilagay ito sa tamang tapunan.

--Ads--

Kung gagamit naman ng pintura para sa nitso, mas mabuting gumamit ng lead-safe paint o klase ng pintura na walang lason at hindi nakakasulasok ang amoy.

Sa araw naman ng paggdalaw sa sementeryo, gumamit na lamang ng reusable na kagamitan upang hindi na makadagdag pa sa kalat na itinatambak lamang sa lugar.

Kaugnay nito, bawasan aniya ang paggamit ng mga disposable plastic waste.

Para naman sa bulaklak, mas maiging natural ang dalhin at hindi wari sa plastic upang hindi makadagdag sa basura.

At kung sa kandila ay gumamit ng clean-burning candles o klase din ng kandila na walang taglay na lason dulot ng cadmium at lead.

Dagdag pa ni Benosa, iwasan na rin ang paninigarilyo o pag vape bilang pagrespeto sa kapwa bibisita sa sementeryo.

Samantala, nakikipag ugnayan ang ecowaste coalition sa mga kinauukulan ng sementeryo at sa mga key areas upang magkaroon ng Materials Recovery Facilities o MRF.

Maglalagay din aniya ng segregated bins upang magabayan ang publiko sa tamang pagtatapon ng basura na naaayon sa tamang labels.

Magkakaroon naman ng mga Solid Waste Management Enforcers sa bawat sementeryo upang maglibot at tiyakin ang pagpapaalala sa mga bibista.

Hinihikayat naman ni Benosa ang publiko na panatilihin ang kalinisan at pagiging sagrado ng pagdiriwang ng undas.