BOMBO DAGUPAN – “Maganda ang ganitong deklarasyon o hakbang hindi dapat inaatake o sinasaktan ang mga mamamahayag.”

Yan ang binigyang diin ni Jonathan De Santos Chairperson, National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan sa kanya patungkol sa pagdeklara sa mga karahasan laban sa mga mamamahayag bilang election offense.

Aniya dahil nalalapit na naman ang eleksyon ay dumadami na naman ang media killings gayundin ang panggigipit at pag-atake sa mga media workers.

--Ads--

Kaugnay nito ay dapat magpokus ang kapulisan at law enforcement agents sa pagpapalawig sa kanilang atensyon at pagresponde hindi lamang sa pag-aresto sa mga sangkot dito kundi atensyon din maging sa buong daloy ng kaso.

Kabilang na rito ang tuloy-tuloy na pagbibigay ng update ng pamahalaan upang hindi makalimutan ang ganitong mga kaso.

Umaasa naman si De Santos na balang araw ay mabibigyan ng hustisya ang mga kasamahan sa media na naging biktima ng ganitong karahasan.

Samantala, ay saad niya din na dapat magtulungan ang mga media workers at magkusang gumawa ng safety protocols para sa kanilang kaligtasan lalo na sa pag-uulat.

Idinagdag niya rin na sa kasalukuyan ay mayroon ng panukalang isinusulong para sa safety standards maging ang tamang pasahod sa mga mamamahayag sa bansa.