Nanawagan si Arlene James Pagaduan, Pangulo ng Action and Solidarity for the Empowerment of Teachers (ASSERT), na gawing pangunahing konsiderasyon ang kaligtasan, kalusugan, at kapakanan ng mga mag-aaral at guro sa pagdedesisyon hinggil sa suspensyon ng klase, lalo na sa panahon ng sunod-sunod na kalamidad.

Ang pahayag ay kasunod ng apela ng Department of Education (DepEd) sa mga lokal na pamahalaan na maging maingat at balanse sa pagsususpinde ng klase.

Ngunit para kay Pagaduan, hindi maaaring ipagsawalang-bahala ang mga tunay na panganib na kinakaharap ng mga paaralan.

--Ads--

Lalo na at iba-iba ang konteksto ng suspensyon ng klase.

Sa kasalukuyan, may mga ulat ng tumataas na kaso ng influenza-like illness sa mga paaralan.

Bukod dito ay hindi rin nawawala ang pangamba ng publiko sa posibilidad ng ‘The Big One,’ kaya bahagi ito ng makatuwirang pag-iingat.

Samantala, sa isinagawang imbestigasyon kamakailan, lumalabas na marami pa ring silid-aralan sa bansa ang substandard at hindi sapat ang structural integrity para sa malalakas na lindol.

Nanawagan din ang ASSERT sa mas seryosong pagsasagawa ng earthquake drills sa mga paaralan.

Dagdag pa niya, dapat ding bigyang pansin ang mental health ng mga kabataang nakaranas ng trauma mula sa kalamidad.

Ayon kay Pagaduan, may direktiba na sa mga guro na maging mas sensitibo sa emosyonal at pisikal na pangangailangan ng kanilang mga estudyante.