DAGUPAN CITY- Binigyang-diin ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) ang malaking epekto ng mga kalamidad at laganap na korapsyon sa kalagayan ng mga negosyo sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan ipinahayag ni Salvador “Ed” Poserio, Area President ng ECOP-North Luzon Area, ang kanilang pagkabahala sa sitwasyon.
Ayon kay Poserio, nagdulot ng malaking pinsala ang mga super typhoon na Uwan at Emong, lalo na sa mga lugar na sentro ng negosyo sa Pangasinan at La Union dahil dito, nagdeklara ng state of calamity ang mga lokal na pamahalaan.
Binanggit din ni Poserio ang pagkasara ng ilang negosyo sa Dagupan dahil sa pagbaha, na nagdulot ng malaking pagkalugi sa mga negosyante.
Hindi lamang kalamidad ang problema, kundi pati na rin ang political crisis at korapsyon, na nagdudulot ng pagbaba ng kumpiyansa ng mga foreign investor at kawalan ng oportunidad sa bansa.
Dahil dito, nanawagan siya sa mga LGU at political leaders na isipin ang kapakanan ng bayan bago ang sarili dahil ang bansa ay napabayaan, nasadlak sa dusa at lalong nalulugmok sa kahirapan.










