DAGUPAN CITY- Patuloy pa rin binabantayan ng Japan Meteorological Agency ang Sakurajima, isa sa pinaka-aktibong bulkan sa bansa, kahit pa unti-unti na itong humihina.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Hannah Galvez, Bombo International News Correspondent sa nasabing bansa, umabot sa 4.4 km ang peak ng pagtaas ng ashfall nito habang umakyat sa Alert Level No.4 ang mga naging babala sa kalapit lugar.

Aniya, 30-40 flights sa bahagi ng Kagoshima Prefecture ang naantala habang inilikas naman ang mga kalapit residente upang matiyak ang kaligtasan ng mga tao.

--Ads--

Maging ang mga negosyo at paaralan sa lugar ay naapektuhan.

Unti-unti naman nang humihinahon ang kalagayan ng Sakurajima at bumaba na rin sa Alert Level 3 ang babala.

Unti-unti na rin bumabalik ang mga transportasyon sa lugar.

Ayon pa kay Galvez, wala pang naitatalang kaswalidad dulot ng pag-alburuto ng Sakurajima.

Taon 2019 nang huling pumutok ang nasabing bulkan kung saan umabot sa 5.5 km ang taas ng ash fall nito.

Ang Sakurajima ay isa rin sa kilalang bulkan sa Japan at tanyag na binibisita ng mga turista.