DAGUPAN CITY- Higit 1,596 pamilya o 5,357 indibidwal ang naitalang bilang sa evacuation centers dahil sa pagdaan ng bagyong Pepito at patuloy ang relief operations ng Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Ayon kay Vincent Chiu, Operations Supervisor ng naturang tanggapan, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, karamihan naman sa mga ito ay nakauwi na sa kanilang mga tahanan at napamahagian na rin ng tulong.
Aniya, dahil sa pagkakaroon ng pre-emptive evacuations ay wala silang naitalang kaswalidad dulot ng bagyo.
Kabilang sa mga nailikas ay ang mga nakaranas sa pagbaha sa bayan ng Bugallon, Balungao, San Jacinto, at Binmaley. At sa kasalukuyan, humupa na ang pagbahang ito.
Saad naman ni Chiu, ang nagdulot naman ng pagbaha ay ang pagbuhos ng malakas na ulan at hindi ang pag-apaw ng mga kailugan.
Kaugnay nito, tanging Sinucalan River sa Sta. Barbara ang naitalang umabot sa critical level.
Dagdag pa niya, isang magandang bagay ang mabilis na pagdaan ng bagyong Pepito dahil mabilis lang din ang ipinaranas na pag-ulan kumpara sa nakaraang nagdaang bagyo.
Samantala, tuloy-tuloy pa rin ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Local Government Units (LGU) para sa kabuoang bilang ng pinsala.
Gayundin sa pakikipag-ugnayan nila sa San Roque Dam, Binga Dam, at Ambuclao Dam upang mabantayan kung magkakaroon man ng pagbubukas ng gate.
Nakasara naman ang daan sa Brgy. Malico, sa bayan ng San Nicolas, dahil sa landslide. Agad aniya silang nagkaroon ng clearing operations sa mga ito.