DAGUPAN CITY- Palubog na umano ang kalagayan ng mga mangingisda sa bansa dulot ng doble-dobleng bigat ng pasanin dulot ng labis na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Fernando Hicap, Chairperson ng PAMALAKAYA, makakatanggap man sila ng fuel sbusidy subalit, long-over due na ito kung April 6 pa nila matatanggap.
Aniya, maging ang fuel subsidy na ipinangako sa kanila noong 2025 ay hindi pa naipapamahagi sa kanilang hanay.
At kung hindi naman mabagal, kakarampot naman ang kanilang matatanggap dahil sa kabuoang 14,497 na mangingisda ay higit P3,000 lamang ang ipapamahagi sa bawat isa.
Wala umano silang nakikitang plano ng gobyerno na matulungan ang lahat ng mangingisda sapagkat maliit lamang ang inilaan na budget para sa kanilang sektor.
At may pagkakataon pa na may ibang mangingisda ang hindi nakakatanggap.
Giit pa niya, kung doble ang itinaas sa presyo ng petrolyo ay dapat din na doble rin ang pagtaas sa ayuda o sabsidiya na kanilang matatanggap.
Bukod naman sa maliit na ayuda at dobleng pag-gastos sa tuwing paglaot, kakaonti na lamang din ang kanilang nahuhuling isda.
At pagdating sa merkado ay binabarat lamang din ang presyo ng kanilang binebentang isda.










